Friday, August 16, 2013

ANG MGA DIVINELY-INSPIRED NA DEUTEROCANONICAL BOOKS AT ANG PAGKAKATULAD NITO SA IBANG AKLAT NG BIBLIA

Marami sa mga Protestante ang nagsasabing hindi divinely-inspired ang mga aklat deuterocanonico dahil sa mga natagpuan nilang sitas na kanila namang namisinterpret. Halimbawa na lamang nito ang nasa Tobit 6 na kung saan ay nagpakuha ng lamang-loob si Rafael para gamitin ito sa pagpapagaling sa nabulag na ama ni Tobit. Ayon sa kanila,isa raw itong kaugaliang pagano na may kinalaman sa salamangka at mahigpit itong pinagbabawal sa unang utos  mula sa Sampung utos GAYONG MAAARI NAMAN ITONG ITURING NA HIMALA BUHAT SA DIOS.

Sa proposisyon ng mga sekta Protestante, malinaw itong mali sapagkat marami ring aktibidad ang kahalintulad nito sa protocanonical books na kinalalamnan din ng 39 aklat mula sa Canon ng Hebreo. Halimbawa, ang pagkabuhay muli ng isang patay nang madapuan ng bangkay ni Eliseo (1 Mga Hari 13:21)ay kakatwang  maituturing na salamangka kung susundin natin ang proposisyon ng mga Protestante at ang biglang pagsasalita ng asno kay Balaam( Mga Bilang 22:28). Ngayon, bakit hindi natin tingnan ang mga pagkakahalintulad ng deuterocanonico sa ibang aklat sa Biblia nang mapatunayan natin na tunay na mapagkakatiwalaan ang mga nilalaman nito?


1.      Sa mga OT books sa Biblia-Protestante, walang tala ang mababasa ukol sa kasaysayan ng pagdiriwang ng Pista ng Pagtatalaga(Feast of Dedication) maliban sa nabanggit lamang ito sa isang aklat-Deuterocanonico:

sa  JUAN 10:22 nakapaloob ang Feast of Dedication;
“at niyao’y KAPISTAHAN NG PAGTATALAGA SA JERUSALEM”(AB)

At sa mga aklat ng Lumang Tipan, ito’y matatagpuan lamang sa aklat ng Macabeo na isang deutero book.

1 MACABEO 4:58-59;58 (BSP) Galak na galak ang lahat nang maalis ang mga tanda ng kalapastanganang ginawa ng mga Hentil. 59 Ipinasya ni Judas, ng kanyang mga kapatid at ng lahat ng mamamayan ng Israel na sa gayon ding araw, taun-taon ay ipagdiriwang nila ang muling pagtatalaga ng Templo. Walong araw nilang gagawin ito, mula sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan.(matatagpuan din sa 2 Mac.10:1-8)


2.      Nabanggit ni San Lucas na tila may nalaglag na kaliskis sa mata ni San Pablo nang pagalingin ito mula sa pagkabulag at ganoon din ang nangyari sa ama ni Tobit nang pagalingin din ‘to mula sa pagkabulag.

GAWA 9:18
Noon di'y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo at
nakakita na siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo.  
Sa TOBIT 11: 8;12 (BSP)
Ipahid mo sa kanyang mga mata ang apdo ng isda, at kukusutin niya iyon sa oras na mangati at may malalaglag na parang mga kaliskis mula sa kanyang mga mata.

3.      Pareho ang paglalarawan ng impierno sa Marcos 9:48 at sa Judit 16:17;

Marcos 9:48;
“Na doo’y hindi namamatay ang kanilang uod,at hindi namamatay ang apoy”.

Judit 16:17..”sa araw ng paghuhukom sa pamamagitan ng apoy at ng mga uod at tatangis sila’t maghihirap magpakailanman.”

4.      Nabanggit ni San Pablo ang babae na tumanggap sa pagkamatay ng kanyang mga anak sa pag-asang mabubuhay silang muli (Hebreo11:35). Ito rin ay tinutukoy sa isang aklat deuterocanonico (2 Macabeo 7).

5.      Mga tupang walang pastol (Judit 11:19=Mat.9:36).

6.      Sa 1 Corinto 2:7-8, may tinutukoy na karunungan o panukalang inilihim ng Dios sa mga tao na kaya naman nagawa nilang maipako si Cristo sa krus. Sa Karunungan 2:22;“Hindi nila nalaman ang mga lihim ng Dios, o inisip ang gantimpala sa kabanalan;hindi sila naniniwala na babayaran ang mga walang kasalanan.”(BSP)

7.      May tumutukoy sa Karunungan na tanging maiuugnay lamang sa pasyon ni Jesu-Cristo sa pagliligtas sa sanlibutan (Karunungan 2:17-21)

8.      Sa epistulo ni San Jaime, mababasa ang babala ukol sa walang prenong dila na maaaring makasakit sa damdamin ng kapwa(Santiago 3). Ito rin ay makikita sa aklat ng karunungan:

Karunungan 1:11-12;
..”ang dilang sinungaling ay pumapatay sa kaluluwa.”

Sirac 28:17-18 (BSP)“Lumalatay ang latigo ngunit ang dila’y bumabali ng buto.” (tingnan din ang b.12-26)

9.      Ginamit ni San Pedro ang turo mula sa deuterocanonico na nagsasabing tayo ay “mistulang ginto na dinadarang sa apoy”.
1 Pedro1:7;
“Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kaysa ginto na nasisira bagamat ito’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy.”

Karunungan 3:5-6 (BSP)
…”makaraang subukin silang tulad ng ginto sa apuyan.”

10.  Sa Pahayag 21:27, ganito ang nakasulat;
“At hindi papasok doon sa anumang paraan ang anumang bagay na karumal-dumal.”

Sa Karunungan 7:25
…”kaya walang maruming makapapasok sa Kanya.”(BSP)

11.  Sa Sirach 15:11-20, may sinasabi na ganito;

“Huwag sabihin:”Diyos ang may kagagawan sa pagkaligaw ko.”(BSP)

Pareho rin ito sa Santiago 1:13;
“Huwag sabihin ninuman pagka siya’y tinutukso,”ako’y tinutukso ng Dios”.”

12.  Ang aklat ng deuterocanonico ay nagtuturo rin na ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng kasamaan:
1 Timoteo 6:10;“Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan”

Sirac 31:5 (BSP)“Hindi maaaring walang sala ang nagmamahal sa salapi.”

13.  Parehong nagtuturo si San Pablo at ang deuterocanonico ukol sa pag-iwas sa walang silbing pagtatalo (Sirac 28:8 = Tito 3:9)

14.  Itinuro rin sa Sirach ang katuruan na:
Fragment of a Septuagint: A column of uncial text from 1 Esdras in theCodex Vaticanus c. 325–350 CE, the basis of Sir Lancelot Charles Lee Brenton's Greek edition and English translation. (courtesy: wikipedia)
1 Timoteo 4:4;
“Sapagkat ang bawat nilalang ng Dios ay mabuti.”

Sirac 42:25
"Bawat isa'y nagpapatibay ng kabutihan ng isa't isa." (BSP)

Ilan lamang iyan sa mga pagkakatulad ng aklat-deuterocanonico sa ibang aklat sa Biblia. Samakatwid, napakamaling isipin na sumasalungat ang mga aklat na ito sa iba pang aklat ng biblia gayong kung babasahin ito ,mapapansin ang napakaraming pagkakatugma nito sa ibang aklat sa Bagong tipan. Patunay lamang ito sa mapagkakatiwalaang kanon ng Banal na Iglesia Katolika na syang sumunod sa apostolikong tradisyong gumamit ng Septuagint na pawang naglalalaman ng mga aklat na wala sa mga Protestanteng Biblia.

No comments:

Post a Comment

Please keep the Comment Box free from AD HOMINEMS and other forms of fallacies. May God bless us and lead us to the FULLNESS OF TRUTH.