Showing posts with label Divinity of Christ. Show all posts
Showing posts with label Divinity of Christ. Show all posts

Friday, August 10, 2012

BAKIT SINABI NI CRISTONG ANG AMA AY HIGIT SA KANYA? (cf. John 14:28)



Gayundin, nang dalhin niya ang kaniyang tanging dakilang Anak sa sanlibutan, 
sinabi niya: At hayaan siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos. 
Hebreo 1:6

            Isa na marahil sa pinakagasgas na linya ng mga “kristyanong” hindi naniniwala sa pagkadiyos ni JesuCristo ay ang sitas ng Bibliya kung saan binanggit niyang:
Juan 14:28
Narinig ninyo ang sinabi ko sa inyo:
Ako ay aalis at muling magbabalik sa inyo.
Kung iniibig ninyo ako ay magagalak kayo
sa sinabi kong ako ay pupunta sa Ama
sapagkat ang aking Ama ay higit na dakila kaysa sa akin.
            Ang mga huling kataga ng talatang ito ang ginagamit na dahilan ng ilan upang palabasing hindi DIOS si Cristo manapa’y isa lang sa mga HINIRANG ng DIOS AMA sapagkat siya na mismo ang nagsaysay na ang AMA ay higit sa kanya.

            Tama nga kaya ang pagkaunawa nila? Nais nga ba talagang sabihin ni Cristo na hindi siya DIYOS?

           
Bago natin direktang sagutin ang napakasimpleng tanong sa itaas, marapat muna nating malaman ang sitwasyon ni JesuCristo sa mga panahong nasambit niya ang mga bagay na ito.

            Ang ebanghelyo ni San Juan ay nagsisimula sa mga katagang:
Juan 1:1
Sa pasimula pa ay naroroon na ang Salita.
Ang Salita ay sumasa Diyos at ang Salita ay Diyos.
            Sa unang talata pa lang, mapapansing si San Juan ay nakatuon na sa tinukoy niya bilang SALITA. Ang salitang ito ay tuwiran niyang inihayag bilang DIYOS.

            Ngayon, sino ang ‘salitang’ iyan? 
            
            Ang sagot ay nasa ikalabing-apat na bersikulo sa parehong kabanata:
Juan 1:14
Nagkatawang-tao ang Salita at nanahang kasama natin.
Namasdan namin ang kaniyang kaluwalhatian,
ang kaluwalhatian ng bugtong na Anak ng Ama.
Ang Salitang ito ay puspos ng biyaya at katotohanan.
            Malinaw na malinaw na ang SALITA—na  DIYOS,  ay ang SALITANG NAGKATAWANG-TAO na nilaanan ni San Juan sa katawagang “bugtong na Anak ng Ama” sa halos lahat ng pagkakataon sa kanyang buong aklat.

            Ang doktrinang ito—ANG PAGKAKATAWANG TAO NG ANAK NG DIYOS ay siyang tuon ng misteryo ng INKARNASYON sa pananampalatayang KATOLIKO at matibay na pinanghahawakan ng Santa Iglesia sapagat tuwiran itong itinuro ng Banal na Kasulatan at sinosuportahan ng hindi mabilang na dokumentong isinulat pa ng mga sinaunang ama ng Simbahan.
           
            Sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos, ganito ang kanyang pagtuturo:
Filipos 2:5-11
Ito ay sapagkat kailangang taglayin ninyo
ang kaisipan na na kay Cristo Jesus din naman.
Bagaman siya ay nasa anyong Diyos,
hindi niya itinuring na kailangang pakahawakan
ang kaniyang pagiging kapantay ng Diyos.
Bagkus ginawa niyang walang kabuluhan ang kaniyang sarili
at tinanggap niya ang anyo ng isang alipin at nakitulad sa tao.
Yamang siya ay nasumpungan sa anyong tao,
siya ay nagpakumbaba at naging masunurin hanggang sa kamatayan,
maging sa kamatayan sa krus.
Kaya nga, siya naman ay lubhang itinaas ng Diyos
at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Ito ay upang sa pangalan ni Jesus
ay luluhod ang bawat tuhod ng mga nasa langit,
ng mga nasa lupa at ng mga nasa ilalim ng lupa.
Ito ay upang ipahayag ng bawat dila
na si Jesucristo ang Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.
            Sa mga pahayag na ito, lubusang ipinakilala ni Apostol San Pablo ang PAGPAPAKABABA ni JESUCRISTO upang sundin ang kalooban ng AMA. Tuwiran niyang inilahad na si CRISTO ay NASA ANYONG DIYOS!

            NGAYON, isa-isahin na natin ang ilang punto kung bakit nasabi ni Jesus na ang AMA ay higit sa kanya.

            una, ang Anak ng Dios sa mga panahon ng pagdating niya sa lupa ay NAGKATAWANG TAO at tumanggap ng ANYO ng isang ALIPIN (cf. Phil. 2). IBIG SABIHIN, kahit saang anggulo mo tingnan ay LUBUSAN SIYANG BUMABA SA KALUWALHATIAN BILANG DIYOS at NAKITULAD SA TAO ayon na rin sa kagustuhan ng AMA.

            ano pa ang patunay na siya ay NAGPAKABABA? Ang sagot ay nasa aklat ng Hebreo:
Hebreo 2:7, 9
Sa maikling panahon ay ginawa mo siyang
mababa kaysa mga anghel.
Pinutungan mo siya
ng kaluwalhatian at karangalan. Ipinailalim mo
sa kaniya ang lahat ng gawa ng iyong mga kamay.

Ngunit nakikita natin si Jesus.
Sa maikling panahon ay ginawa siyang mababa
kaysa sa mga anghel
na dahil sa kahirapan sa kamatayan
ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan.
Ito ay upang sa pamamagitan ng biyaya Diyos
ay tikman niya ang kamatayan para sa lahat ng tao.
            malinaw pa sa sikat ng ARAW na si CRISTO ay NAGPAKABABA kung kaya’t sa panahon ng kanyang pagparito ay tunay niyang nasabi at KINUMPIRMA sa JUAN 14:28 na ang AMA AY HIGIT SA KANYA.

            ikalawa, ang pagparito at pangangaral ni JesuCristo ay para sa kaluwalhatian ng AMA ayon naman sa ikalabimpitong kabanata sa aklat pa rin ni San Juan.
At ang pagluwalhati niya sa AMA ay may kalakip din na pagluwalhati sa kanya ng AMA.
Juan 17:3
Ito ang buhay na walang hanggan: Ang makilala
ka nila, ang tanging Diyos na totoo at si Jesucristo na
iyong sinugo.
            Ang AMA ang UNA sa tuon ng pagpapakilala ni Jesus at hindi ang kanyang SARILI. At sa parehong kabanata ay HINIHINGI na ni CRISTO ang PAGLUWALHATI NAMAN SA KANYA NG AMA.  
Juan 17:5
Ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong sarili ng
kaluwalhatiang taglay ko nang kasama ka bago pa likhain
ang sanlibutan.
            At ang kumpirmasyon ng pagluwalhating iyan ng AMA sa kanyang ANAK ay mababasa sa aklat pa rin ng Hebreo:

Hebreo 1:8-12
Ngunit patungkol sa Anak, sinabi niya:
O Diyos, ang iyong trono ay magpakailanman.
At ang setro ng katuwiran ang magiging setro
ng iyong paghahari.


Inibig mo ang katuwiran
at kinapootan mo ang hindi pagkilala sa
kautusan ng Diyos. Dahil dito ay pinahiran ka
ng Diyos, na iyong Diyos, ng langis ng
kaligayahan higit sa iyong mga kasama. 
At sinabi niya:
O, Panginoon, sa simula pa man ay itinatag mo
na ang saligan ng lupa. At ang mga kalangitan
ay mga gawa ng iyong mga kamay.


Sila ay mapapahamak ngunit mananatili ka. Silang
lahat ay malulumang tulad ng isang kasuotan.
Babalumbonin mo silang tulad ng isang
balabal at sila ay mababago. Ngunit ikaw ay
mananatiling ikaw at ang iyong mga taon ay
hindi matatapos kailanman.
            Sa mga nabanggit na pahayag, ang DIOS AMA mismo ang KUMILALA sa PAGKADIOS ng kanyang ANAK. Gayundin ay sukdulan niya itong niluwalhati sa puntong ang DIOS AMA mismo ang tumawag sa kanyang ANAK bilang PANGINOON (verse 10). 

            Kung tatanggapin natin ang argumento ng mga "kristyanong" hindi naniniwala sa pagkaDiyos ni JesuCristo, kokontrahin natin ang AMA sa kanyang DEKLARASYON at tiyak ang kaparusahan natin dahil sa pagsalungat sa KATOTOHANANG inihayag NIYA sa atin.

KAHABAGAN NAWA TAYONG LAHAT NG DIYOS UPANG MARATING NATIN ANG SUKDULAN NG PAGKAUNAWA SA KANYA.

+DEO GRATIAS!

======
PABATID:

*ang lahat ng sitas na ginamit sa artikulong ito ay mula sa salin na ANG SALITA NG DIYOS (SND)
**ang mga larawang ginamit ay nagmula sa google.com

Friday, June 15, 2012

JESUCRISTO: DIYOS NA TOTOO AT TAONG TOTOO




            Hindi na matinag ang mga mananampalataya’t tagapagturo mula sa mga grupong nagpapakilalang ‘tunay na kawan ng Diyos’ sa patuloy na pagtuligsa sa doktrinang Katoliko sa iba’t ibang paraan na nagdulot ng pagkapahamak ng kaluluwa ng ilan dahil sa pagkahumaling sa bitag ni Satanas. Karamihan sa kanila ay nagsasabing sila ang nagtataglay ng tunay at wagas na aral dahil ang pangalan ng kanilang iglesia ay nasa Bibliya. Ngunit, batay na rin sa pagpapauna ng Kasulatan:

Jeremias 7: 4 (MBB)
“Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh, ang templo ni Yahweh! Hindi kayo maliligtas ng salitang iyan.”
            Sa talatang nabanggit, mapapansing ang ‘templo’ ay kaugnay ng pariralang “bahay ng Diyos” na ayon sa 1 Tim. 3:15 ay ang mismong IGLESIA. Kung magkagayon, ang kasulatan na rin ang nagbigay ng babala sa walang kabuluhang paggamit ng tao sa Pangalan ng Diyos para ipakilala ang relihiyong wala namang mandato mula sa kanya.
Mga Awit 139:20 (ADB)
“ Sapagka't sila'y nangagsasalita laban sa iyo ng kasamaan, at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
            Sa puntong ito, susuriin natin ang pinakamahalagang katuruan ng Simbahan na hindi nawawala sa diskusyon ng mga kumakalaban sa iglesiang itinatag sa batong si Pedro—ang kanilang pagtuturong ang biblikal na Cristo ay kaiba sa Cristong ipinangangaral ng Santa Iglesia.

            Una sa lahat, malinaw ang simbahan sa pagpapahayag na si Cristo ay TAO na sa tingin ko ay aayunan ng karamihan sa makababasa nito. Ito ay sa kadahilanang ang Bibliya ay naglahad ng mga ebidensya at patotoong si Cristo man ay nagtaglay ng mga normal na katangiang pantao.

*Si Cristo ay ipinanganak.

Lucas 2:11 (SND)
Ito ay sapagkat sa araw na ito sa lungsod ni David ay ipinanganak sa inyo ang isang Tagapagligtas. Siya ang Cristo na Panginoon.

*Si Cristo ay tumangis.

Juan 11:35 (MBB)
“Tumangis si Jesus”
*Si Cristo ay natulog

Marcos 4:38 (BSP)
samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi, “Guro, halos mamatay na tayo at bale-wala sa iyo!””

*Si Cristo ay napagod at nauhaw.

Juan 4:6 (MBB)
“Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil siya’y napagod sa paglalakbay, umupo si Jesus sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon.”

Juan 19:28 (ADB)
“Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.”
*Si Cristo ay namatay.

Juan 19:30 (BMBB)
Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, Naganap na! Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
            Gayunpaman, hindi kailanman pinayagan ng Santa Iglesia na manatili sa ganitong basikong doktrina ang kanyang pangangaral na si Cristo ay TAO LAMANG. Sapagkat, ang Bibliya na rin ang nagpapatotoong si Cristo ay DIYOS din sa pamamagitan ng ebanghelyo at epistulang isinulat ng mga Apostol.

Juan 1:1 (SND)
Sa pasimula pa ay naroroon na ang Salita. Ang Salita ay sumasa Diyos at ang Salita ay Diyos 
Juan 8:58 (SND)
Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Bago pa si Abraham ay ako na. 
Hebreo 1:8 (SND)
Ngunit patungkol sa Anak, sinabi niya:
O Diyos, ang iyong trono ay magpakailanman.
At ang setro ng katuwiran ang magiging setro
ng iyong paghahari. 
Juan 20:28 (SND)
Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos. 
Mga Taga-Filipos 2:6 (SND)
Bagaman siya ay nasa anyong Diyos, hindi niya itinuring na kailangang pakahawakan ang kaniyang pagiging kapantay ng Diyos. 
Mga Taga-Colosas 2:9 (SND)
Ito ay sapagkat nananahan sa kaniyang katawan ang lahat ng kapuspusan ng kalikasan ng Diyos. 
Kay Tito 2:13 (SND)
Mamuhay tayo nang ganito habang hinihintay ang mapagpalang pag-asa at marilag na pagpapakita ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesucristo. 
Roma 9:5 (MBB)
Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman! ang Cristo, ang Kataas-taasang Diyos na pinapupurihan magpakailanman. Amen.
            Ngayon, papaanong nangyaring si Cristo ay nakaranas ng kalungkutan, pagod at kamatayan kung siya nga ay Diyos? Mayroon bang Diyos na nalungkot, napagod at higit sa lahat ay NAMATAY? Mabuti pa ay balikan natin ang konteksto ng pangangaral ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos at ang pagpapakilala ni Apostol San Juan sa Salita:
Mga Taga-Filipos 2:5-7 (SND)
Ito ay sapagkat kailangang taglayin ninyo ang kaisipan na na kay Cristo Jesus din naman. Bagaman siya ay nasa anyong Diyos, hindi niya itinuring na kailangang pakahawakan ang kaniyang pagiging kapantay ng Diyos. Bagkus ginawa niyang walang kabuluhan ang kaniyang sarili at tinanggap niya ang anyo ng isang alipin at nakitulad sa tao. 
Juan 1:14 (SND)
Nagkatawang-tao ang Salita at nanahang kasama natin. Namasdan namin ang kaniyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatian ng bugtong na Anak ng Ama. Ang Salitang ito ay puspos ng biyaya at katotohanan.
            Sa mga talatang nabanggit ay malinaw na ang ANAK AY NAGKATAWANG-TAO kung kaya’t hindi siya ligtas sa pagkakaroon ng mga katangiang pantao maliban na lamang sa kasalanan ayon sa
Hebreo 9:14 (SND)
Gaano pa kaya ang dugo ni Jesus na makakapaglinis ng inyong budhi mula sa mga patay na gawa upang maglingkod sa buhay na Diyos. Inihandog niya ang kaniyang sarili sa Diyos nang walang kapintasan sa pamamagitan ng tulong ng walang hanggang Espiritu.

2 Mga Taga-Corinto 5:21 (ADB).
Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios.
            Ngayon, ang pagka-Diyos ba ni Cristo ay lalabag sa monoteismong pananampalatayang Kristyano dahil sa prinsipyo ng Sipnayan, lumalabas na dalawa ang Diyos? Hindi dahil sa ilang basikong punto:

            Una, dahil si Cristo mismo ang nagsabing SIYA at ang AMA ay IISA (Juan 10:30) at ito ay naintindihan maging ng mga Hudyo sa kanyang panahon kung kaya’t nakaranas siya ng matinding pag-uusig (Jn. 10:31-33).
           
            Ikalawa, di kaila sa atin na si Cristo ay lantarang tinawag ng mga Apostol bilang PANGINOON. Kung ito ay mali, malamang ay may nakita tayong pagtutuwid mula kay Cristo ukol sa paksang ito ngunit wala. Kung bibilangin, lumalabas na dalawa ang Panginoon, ang AMA at ang ANAK, ngunit sa bilang ng Bibliya ito ay IISA pa rin ayon sa Deuteronomio 6:4, Marcos 12:29, Efeso 4:5 taliwas sa paniniwala ng iba na diumano ito ay DALAWA (LORD GOD and LORD JESUS CHRIST).

            Ikatlo, Si Jesus ay kasalo ng Ama sa lahat ng TITULO. Ang Ama at Anak ay parehong ALPHA AT OMEGA o UNA AT HULI (Isaiah 41:4; 44:6; cf. Revelation 1:17; 2:8; 1:8; 21:6; 22:13-16), HARI NG MGA HARI (Rev. 1:5; cf. 17:14; 1 Tim. 1:17; cf. Rev. 15:3; 19:16; 1 Tim. 6:15), at PANGINOON NG MGA PANGINOON (Deut. 10:17, Acts 10:36; Romans 10:12).

            Ikaapat, Si Jesus, katulad ng Ama ay pinag-uukulan ng PAGSAMBA (Mateo 2:11; 14:33; 28:9,17; Lukas 24:52; Juan 9:38).  Kung ituturing na tao lamang ang Anak, lumalabas na ang mga hindi naniniwalang Diyos si Cristo ay sumasamba sa TAO na isang malaking PAGLABAG sa utos na walang ibang dapat sambahin kundi ang nag-iisang Diyos.

            Sa huli, malinaw na naayon sa katuruan ng Bibliya, mula sa salita ng mga propeta, apostol at mismong si Cristo, ang doktrinang si JesuCristo ay DIYOS NA TOTOO at TAONG TOTOO. Kaya’t bilang pagwawakas, hayaan ninyong iwanan ko sa inyo ang babala ni Apostol San Juan:
1 Juan 4:1-3 (BMBB)

Mga minamahal, huwag ninyong paniniwalaan kaagad ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin muna ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito. Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay naging tao. Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng anti-Cristo ang nasa kanila. Nasabi na sa inyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa daigdig na.

*ang mga bibliyang ginamit sa artikulong ito:
MBB—Magandang Balita Biblia
SND—Ang Salita ng Diyos
BMBB—Bagong Magandang Balita Biblia
ADB—Ang Dating Biblia
BSP—Biblia ng Sambayanang Pilipino