Hindi na
matinag ang mga mananampalataya’t tagapagturo mula sa mga grupong nagpapakilalang
‘tunay na kawan ng Diyos’ sa patuloy na pagtuligsa sa doktrinang Katoliko sa
iba’t ibang paraan na nagdulot ng pagkapahamak ng kaluluwa ng ilan dahil sa
pagkahumaling sa bitag ni Satanas. Karamihan sa kanila ay nagsasabing sila ang
nagtataglay ng tunay at wagas na aral dahil ang pangalan ng kanilang iglesia ay
nasa Bibliya. Ngunit, batay na rin sa pagpapauna ng Kasulatan:
Jeremias 7: 4 (MBB)
“Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh, ang templo ni Yahweh! Hindi kayo maliligtas ng salitang iyan.”
Mga Awit 139:20 (ADB)
“ Sapagka't sila'y nangagsasalita laban sa iyo ng kasamaan, at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.”
Sa puntong
ito, susuriin natin ang pinakamahalagang katuruan ng Simbahan na hindi nawawala
sa diskusyon ng mga kumakalaban sa iglesiang itinatag sa batong si Pedro—ang kanilang
pagtuturong ang biblikal na Cristo ay kaiba sa Cristong ipinangangaral ng Santa
Iglesia.
Una sa
lahat, malinaw ang simbahan sa pagpapahayag na si Cristo ay TAO na sa tingin ko ay aayunan ng karamihan sa makababasa
nito. Ito ay sa kadahilanang ang Bibliya ay naglahad ng mga ebidensya at patotoong
si Cristo man ay nagtaglay ng mga normal na katangiang pantao.
Lucas 2:11 (SND)
Ito ay sapagkat sa araw na ito sa lungsod ni David ay ipinanganak sa inyo ang isang Tagapagligtas. Siya ang Cristo na Panginoon.
*Si Cristo ay tumangis.
Juan 11:35 (MBB)
“Tumangis si Jesus”
*Si Cristo ay natulog
Marcos 4:38 (BSP)
“samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi, “Guro, halos mamatay na tayo at bale-wala sa iyo!””
Juan 4:6 (MBB)
“Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil siya’y napagod sa paglalakbay, umupo si Jesus sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon.”
Juan 19:28 (ADB)*Si Cristo ay namatay.
“Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.”
Juan 19:30 (BMBB)
Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, Naganap na! Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
Gayunpaman,
hindi kailanman pinayagan ng Santa Iglesia na manatili sa ganitong basikong
doktrina ang kanyang pangangaral na si Cristo ay TAO LAMANG. Sapagkat, ang
Bibliya na rin ang nagpapatotoong si
Cristo ay DIYOS din sa pamamagitan ng ebanghelyo at epistulang isinulat ng
mga Apostol.
Juan 1:1 (SND)
Sa pasimula pa ay naroroon na ang Salita. Ang Salita ay sumasa Diyos at ang Salita ay Diyos
Juan 8:58 (SND)
Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Bago pa si Abraham ay ako na.
Hebreo 1:8 (SND)
Ngunit patungkol sa Anak, sinabi niya:
O Diyos, ang iyong trono ay magpakailanman.
At ang setro ng katuwiran ang magiging setro
ng iyong paghahari.
Juan 20:28 (SND)
Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos.
Mga Taga-Filipos 2:6 (SND)
Bagaman siya ay nasa anyong Diyos, hindi niya itinuring na kailangang pakahawakan ang kaniyang pagiging kapantay ng Diyos.
Mga Taga-Colosas 2:9 (SND)
Ito ay sapagkat nananahan sa kaniyang katawan ang lahat ng kapuspusan ng kalikasan ng Diyos.
Kay Tito 2:13 (SND)
Mamuhay tayo nang ganito habang hinihintay ang mapagpalang pag-asa at marilag na pagpapakita ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesucristo.
Roma 9:5 (MBB)
Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman! ang Cristo, ang Kataas-taasang Diyos na pinapupurihan magpakailanman. Amen.
Ngayon,
papaanong nangyaring si Cristo ay nakaranas ng kalungkutan, pagod at kamatayan
kung siya nga ay Diyos? Mayroon bang Diyos na nalungkot, napagod at higit sa
lahat ay NAMATAY? Mabuti pa ay balikan natin ang konteksto ng pangangaral ni
Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos at ang pagpapakilala ni Apostol San Juan
sa Salita:
Mga Taga-Filipos 2:5-7 (SND)
Ito ay sapagkat kailangang taglayin ninyo ang kaisipan na na kay Cristo Jesus din naman. Bagaman siya ay nasa anyong Diyos, hindi niya itinuring na kailangang pakahawakan ang kaniyang pagiging kapantay ng Diyos. Bagkus ginawa niyang walang kabuluhan ang kaniyang sarili at tinanggap niya ang anyo ng isang alipin at nakitulad sa tao.
Juan 1:14 (SND)
Nagkatawang-tao ang Salita at nanahang kasama natin. Namasdan namin ang kaniyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatian ng bugtong na Anak ng Ama. Ang Salitang ito ay puspos ng biyaya at katotohanan.
Sa mga
talatang nabanggit ay malinaw na ang ANAK
AY NAGKATAWANG-TAO kung kaya’t hindi
siya ligtas sa pagkakaroon ng mga katangiang pantao maliban na lamang sa
kasalanan ayon sa
Hebreo 9:14 (SND)
Gaano pa kaya ang dugo ni Jesus na makakapaglinis ng inyong budhi mula sa mga patay na gawa upang maglingkod sa buhay na Diyos. Inihandog niya ang kaniyang sarili sa Diyos nang walang kapintasan sa pamamagitan ng tulong ng walang hanggang Espiritu.
2 Mga Taga-Corinto 5:21 (ADB).
Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios.
Ngayon, ang pagka-Diyos ba ni Cristo ay lalabag sa monoteismong pananampalatayang Kristyano
dahil sa prinsipyo ng Sipnayan, lumalabas na dalawa ang Diyos? Hindi dahil sa ilang basikong punto:
Una, dahil si Cristo mismo ang nagsabing SIYA at ang
AMA ay IISA (Juan 10:30) at ito ay naintindihan maging ng mga Hudyo sa
kanyang panahon kung kaya’t nakaranas siya ng matinding pag-uusig (Jn.
10:31-33).
Ikalawa, di
kaila sa atin na si Cristo ay lantarang
tinawag ng mga Apostol bilang PANGINOON. Kung ito ay mali , malamang
ay may nakita tayong pagtutuwid mula kay Cristo ukol sa paksang ito ngunit
wala. Kung bibilangin, lumalabas na dalawa ang Panginoon, ang AMA at ang ANAK,
ngunit sa bilang ng Bibliya ito ay IISA pa
rin ayon sa Deuteronomio 6:4, Marcos 12:29, Efeso 4:5 taliwas sa paniniwala ng iba na diumano ito ay DALAWA (LORD GOD and
LORD JESUS CHRIST).
Ikatlo, Si Jesus ay kasalo ng Ama sa lahat ng
TITULO. Ang Ama at Anak ay parehong ALPHA AT OMEGA o UNA AT HULI (Isaiah
41:4; 44:6; cf. Revelation 1:17; 2:8; 1:8; 21:6; 22:13-16), HARI NG MGA HARI (Rev.
1:5; cf. 17:14; 1 Tim. 1:17; cf. Rev. 15:3; 19:16; 1 Tim. 6:15), at PANGINOON NG MGA
PANGINOON (Deut. 10:17, Acts 10:36; Romans 10:12).
Ikaapat, Si Jesus, katulad ng Ama ay pinag-uukulan
ng PAGSAMBA (Mateo 2:11; 14:33; 28:9,17; Lukas 24:52; Juan
9:38). Kung ituturing na tao lamang ang Anak, lumalabas na ang
mga hindi naniniwalang Diyos si Cristo ay sumasamba
sa TAO na isang malaking PAGLABAG
sa utos na walang ibang dapat sambahin
kundi ang nag-iisang Diyos.
Sa huli,
malinaw na naayon sa katuruan ng Bibliya, mula sa salita ng mga propeta,
apostol at mismong si Cristo, ang doktrinang si JesuCristo ay DIYOS NA TOTOO at TAONG TOTOO. Kaya’t
bilang pagwawakas, hayaan ninyong iwanan ko sa inyo ang babala ni Apostol San Juan :
1 Juan 4:1-3 (BMBB)
Mga minamahal, huwag ninyong paniniwalaan kaagad ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin muna ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito. Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay naging tao. Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng anti-Cristo ang nasa kanila. Nasabi na sa inyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa daigdig na.
*ang mga bibliyang ginamit sa
artikulong ito:
MBB—Magandang Balita Biblia
MBB—Magandang Balita Biblia
SND—Ang
Salita ng Diyos
BMBB—Bagong
Magandang Balita Biblia
ADB—Ang
Dating Biblia
BSP—Biblia
ng Sambayanang Pilipino
No comments:
Post a Comment
Please keep the Comment Box free from AD HOMINEMS and other forms of fallacies. May God bless us and lead us to the FULLNESS OF TRUTH.