Saturday, September 15, 2012

HINDI BIBLIKAL ANG DOKTRINANG SOLA FIDE!



            Ilang siglo na rin ang nakalilipas mula nang lumitaw ang mga kaibigan nating nagtuturo ng aral na FAITH ALONE o SOLA FIDE. Ito ay tumutukoy sa “biblikal” na aral umano na ang gagawing pagliligtas at paghuhukom sa mga tao ay base lamang sa naging PANANAMPALATAYA nito—iyon lang at wala ng iba pa. Ang doktrinang ito ay sinimulang palaganapin ni Martin Luther, isang dating Agustinong monghe, kalakip ng iba pang turong binalangkas niya sa kasagsagan ng repormasyon noong ikalabing-anim na siglo. Hanggang sa kasalukuyan, ito pa rin ang patuloy na ipinakikipaglaban ng mga kapatid nating nawalay sa Santa Iglesia.

            Ngunit, ito nga ba talaga ang itinuturo ng Banal na Kasulatan ukol sa “justification” ng mga mananampalataya? Talaga nga bang “sumampalataya ka lang” ay sigurado na ang pagpunta mo sa langit sa malapit na hinaharap anuman ang mangyari?

            Bilang tugon, saliksikin natin ang Bibliya!

Para sa kaalaman ng lahat, ISANG BESES LAMANG natin mababasa sa Bibliya ang dalawang katagang ito na FAITH ALONE (Fil. PANANAMPALATAYA LAMANG):

James 2:24 (RSV)  
You see that a man is justified by works and not by faith alone.
Santiago 2:24 (SND) 
Nakikita ninyong ang tao ay pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

            Ngayon, malinaw na BAGSAK AGAD sa pamantayan ng BIBLIYA ang katuruang JUSTIFICATION BY FAITH ALONE sapagkat tuwiran nitong SINALUNGAT ang pangangaral ng mga APOSTOL base na rin sa aklat ni Apostol Santiago. At ayon na rin sa mga kasulatan, ang sinumang magdala ng aral na iba sa mga ipinangaral ng mga tunay na tagapagturo ay karapatdapat na sumpain (cf. Gal. 1:8)

            Alin nga ba ang tama—ang PANANAMPALATAYA LAMANG o PANANAMPALATAYANG MAY KALAKIP NA GAWA?

            Ayon sa pagtuturo pa rin ni Apostol Santiago:
Santiago 2:14-26 (SND)
Mga kapatid ko, kung sabihin ng isang tao na siya ay may pananampalataya subalit wala siyang gawa, ano ang pakinabang noon? Maililigtas ba siya ng pananampalataya? Maaaring ang isang kapatid na lalaki o babae ay walang damit o kinukulang sa pang-araw-araw na pagkain. At ang isa sa inyo ay nagsabi sa kanila: Humayo kayo nang mapayapa. Magpainit kayo at magpakabusog. Ngunit hindi mo naman ibinigay sa kanila ang mga kailangan ng katawan, ano ang kapakinabangan noon? Ganiyan din ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ito ay patay sa kaniyang sarili. 
Maaaring may magsabi: Ikaw ay may pananampalataya, ako ay may mga gawa. Ipakita mo ang iyong pananampalataya na wala ang iyong mga gawa at ipapakita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. Nananampalataya kang iisa ang Diyos. Mabuti ang iyong ginagawa. Maging ang mga demonyo ay nananampalataya at nanginginig.
Ikaw na taong walang kabuluhan, ibig mo bang malaman na ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay? Hindi ba ang ating amang si Abraham ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa? Ito ay nang ihandog niya sa dambana ang kaniyang anak na si Isaac. Iyong nakita na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa. At naganap ang kautusan na sinabi: Sinampalatayanan ni Abraham ang Diyos at ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran at tinawag siyang kaibigan ng Diyos. Nakikita ninyong ang tao ay pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

Hindi ba sa gayunding paraan si Rahab na isang patutot ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa? Matapos niyang tanggapin ang mga sugo, sila ay pinaalis niya at pinadaan sa ibang landas. Kung paanong ang katawang walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa.

Sa mga nabanggit na sitas ng Bibliya, malinaw na tinuran ng Apostol Santiago na ang “JUSTIFICATION” ng mga mananampalataya ay ayon sa kanilang PANANAMPALATAYA at ang kaakibat nitong GAWA. Ito rin ay tuwirang nagpapatunay na HINDI TOTOO ang katuruang “ONCE SAVED, ALWAYS SAVED” na sinususugan din ng mga sumusunod na talata:
Hebreo 10:26-27 (SND) 
Sapagkat tinanggap na natin ang kaalaman ng katotohanan at kung sinasadya natin ang pagkakasala, wala nang natitira pang handog para sa mga kasalanan. Ang natitira na lamang ay ang kakila-kilabot na paghihintay para sa paghuhukom at nagngangalit na apoy na siyang lalamon sa mga kaaway.
Hebreo 6:4-6 (SND) 
Sapagkat minsan ay naliwanagan na ang mga tao. Natikman na nila ang makalangit na kaloob at naging kabahagi na ng Banal na Espiritu. Natikman na nila ang mabuting Salita ng Diyos at ang mga kapangyarihan ng darating na kapanahunan. Kung sila ay tatalikod, hindi na maaring mapanumbalik sila sa pagsisisi. Sapagkat muli nilang ipinako sa krus para sa kanilang sarili ang anak ng Diyos.
           Ang mga talata sa itaas ay nagbibigay ng malinaw na doktrina na MAAARI pang MAWALA ang KALIGTASAN kung hindi PAG-IINGATAN at susundin ang katuruang moral na naaayon sa mga apostolikong turo.

            Kung hihimayin din ang mga basikong aral ng Bibliya ukol sa justification, makikitang ito ay gagawin batay sa mga GINAWA ng isang mananampalataya ayon sa:
2 Mga Taga-Corinto 5:10 (SND) 
Ito ay sapagkat tayong lahat ay haharap sa luklukan ng paghatol ni Cristo upang ang bawat isa ay tumanggap ng nauukol sa atin para sa mga bagay na ginawa sa katawan maging ito man ay mabuti o masama.
Mga Taga-Roma 2:6-10 (SND) 
Ang Diyos ang nagbibigay ng hatol sa bawat tao ayon sa gawa niya.  Sila na patuloy na gumagawa ng mabuti, na may pagtitiis at naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng walang kasiraan ay bibigyan ng walang hanggang buhay.  Ngunit sa kanila na makasarili at masuwayin sa katotohanan at sumu-sunod sa kalikuan ay tatanggap ng poot at galit.  Paghihirap at kagipitan ang ibibigay sa bawat kaluluwa ng tao na patuloy na gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego.  Ngunit kaluwalhatian, kapurihan at kapayapaan ang ibibigay sa lahat ng gumagawa ng mabuti, una sa mga Judio at saka sa mga Griyego.
Mga Taga-Roma 2:13 (SND) 
Ito ay sapagkat hindi ang mga nakikinig ng kautusan ang matuwid sa paningin ng Diyos kundi ang mga gumagawa ng kautusan ang siyang pinapaging-matuwid.
Pahayag 20:12 (SND) 
At nakita ko ang mga taong patay, hindi dakila at dakila na nakatayo sa harapan ng Diyos. At binuksan ang mga aklat at ang isa pang aklat ang binuksan, ito ay ang aklat ng buhay. Hinatulan niya ang mga patay ayon sa nakasulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.
            Ngayon, ano ba ang mga ipinapayo ng Bibliya upang MALIGTAS?

             Ipinagpapauna ko na marami po ang binabanggit ng bibliya na kasagutan sa tanong ito ngunit magbabanggit ako ng ilan sa mga iyon.

Kabilang dito ang mga sumusunod:

* sumampalataya sa Panginoon
Mga Gawa 16:31 (SND) 
Sinabi nila: Sumampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.
*magtiis hanggang sa katapusan
Mateo 10:22 (SND) 
Kapopootan kayo ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.
Mateo 24:13 (SND)
Ngunit siya na makapagtitiis hanggang wakas ay maliligtas.
(tingnan din ang Mk. 13:13, Heb. 10:35-36)

*pasanin ang krus
Mateo 16:24-25 (SND) 
Nang magkagayon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus at sumunod sa akin.  Ito ay sapagkat ang sinumang ibig magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang sinumang mawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin ay makakasumpong nito.
(tingnan din ang Mt. 10:38, Mk. 8:24, Lk. 9:23, 14:27)

*magpabautismo
Marcos 16:16 (SND) 
Ang sinumang sumampalataya at mabawtismuhan ay maliligtas. Ang sinumang hindi sumampalataya ay hahatulan.
(tingnan din ang Titus 3:5, 1 Pt. 3:20-21)

*maging bahagi ng itinatag na Iglesia
Mga Gawa 2:47 (SND) 
Sila ay nagpupuri sa Diyos at kinaluluguran ng lahat ng mga tao. Idinagdag ng Panginoon sa kapulungan araw-araw ang mga naliligtas.

Pansinin na sa puntong ito, ang IGLESIA ay nagsisimula nang lumaganap sa mga HUDYO man o HENTIL sa pamamagitan ng pangangaral ni San Pedro sampu ng iba pang mga APOSTOL. Ang mga inililigtas ng DIOS ay dinadagdag sa iglesiang ito.

*ikumpisal ang kasalanan
Santiago 5:16 (SND) 
Ipahayag ninyo ang inyong mga pagsalangsang sa isa't isa. Manalangin kayo para sa isa't isa, upang gumaling kayo. Ang mabisa at taimtim na panalangin ng taong matuwid ay higit na malaki ang magagawa.
1 Juan 1:9 (SND) 
Kung ihahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na magpapatawad at maglilinis sa atin sa lahat ng ating kalikuan.
*tupdin ang mga Kautusan
Mateo 5:19-20 (TAB) 
Kaya't ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa't ang sinomang gumanap at ituro, ito'y tatawaging dakila sa kaharian ng langit. Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.
(tingnan din ang Mt. 7:21)

*pakinggan ang mga turo't tagubilin ni San Pedro at ng mga apostol gayundin ang kanilang mga kahalili
Gawa 11:13-14 (TAB) 
At kaniyang isinaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kaniyang bahay, at nagsasabi, Magsugo ka sa Joppe, at ipagsama mo si Simon, na may pamagat na Pedro; Na siyang magsasaysay sa iyo ng mga salita, na ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sangbahayan mo.
Gawa 15:7 (TAB) 
At pagkatapos ng maraming pagtatalo, ay nagtindig si Pedro, at sinabi sa kanila, Mga kapatid, nalalaman ninyo na nang unang panahong nakaraan ay humirang ang Dios sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng Evangelio, at sila'y magsisampalataya.
Hebreo 13:7, 17 (TAB) 
[7] Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya.
[17] Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo'y pasakop sa kanila: sapagka't pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito'y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka't sa ganito'y di ninyo mapapakinabangan.
*tanggapin ang katawan at dugo ni Kristo sa Eukaristiya
Juan 6:53 (TAB) 
Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili. 
1 Cor 10:16 (TAB) 
Ang saro ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputolputol, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng katawan ni Cristo?
(tingnan din ang 1Cor 11:23-29)

            ANG MGA BAGAY NA ITO AY ILAN LAMANG SA MGA IPINAPAYO NG BIBLIYA UPANG MAKAPAGTAMO NG KALIGTASAN. GAYUNDIN NAMAN, PINATUTUNAYAN LAMANG NITO NA HIGIT PA SA PAGSAMPALATAYA ANG HINIHINGI NG DIOS SA ATIN KUNDI PANANAMPALATAYANG MAY KALAKIP NA MABUTING GAWA.


+Pax Tecum!

=========
*ang mga bibliyang ginamit sa artikulong ito:
SND -- Ang Salita ng Diyos
TAB -- Tagalog Ang Biblia
RSV -- Revised Standard Version

No comments:

Post a Comment

Please keep the Comment Box free from AD HOMINEMS and other forms of fallacies. May God bless us and lead us to the FULLNESS OF TRUTH.