Kung hindi ninyo nalalaman, gumawa na ako ng isang artikulo ukol sa topic na ito ng pag-iikapu ng mga kasalakuyang Cristiano lalo na’t halata naman na ang ilang tao sa kasalukuyan ay ginagamit ito para kumita at pagkakitaan ang salita ng Dios. Kadalasan kapag tinatanong ng mga karaniwang tao na hindi palabasa sa Biblia ang kanilang pastor tungkol dito, ito ang palagian nilang sinisitas:
Malakias 3:10- ADB
Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.
Kung titingnan maigi ang talata, napakaganda nga namang pangako ito ng Dios kapag nagbibigay tayo ng ikapu dahil pagpapalain daw naman pala tayo anupa’t hindi raw magkakasya sa ating mga lalagyan. Lubha nga namang kaenga-engayo ang magbigay, ano po ? Kaya naman marami sa Born Again ngayon ang nahihikayat na magbigay dahil nga sa bagay na ito bukod sa ilang sekta sa kanila na ginagawa itong obligatoryo kung saan ang bawat kasapi ay inoobliga na magbigay kada linggo, o buwan, o kinsenas.
Maliban sa pag-enganyo ng mabuting pangako, minsan naman ay tinatakot ng mga pastor ang mga tao lalo na yung mga may balak na magtago sa paniningil ng ikapu, dahil nga ayon sa palagian nilang sinisitas;
Malakias 3:8-9-ADB
Nanakawan baga ng tao ang Dios? gayon ma'y ninanakaw ninyo ako. Nguni't inyong sinasabi, Sa ano ka namin ninakawan? Sa mga ikasangpung bahagi at sa mga handog. Kayo'y nangagsumpa ng sumpa sapagka't inyo akong ninakawan, sa makatuwid baga'y nitong buong bansa.
Aba’y kasumpa-sumpa raw naman pala ang hindi magbigay kaya naman marami ngayon sa mga Born Again at ilang mga Protestante ay napipilitan na lang magbigay. Ito nga ba ay turo ni Cristo? Nilinaw na natin sa nakaraang artikulo na si Cristo sa kanyang buong ministerio ay walang sinabing anuman ukol dito. Si Apostol Pablo na apostol ni Cristo Jesus mismo ang nagsabi:
2 Corinto 9:7- AB
Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka't iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya.
Aba, e dapat pala’y bukal sa loo bang pagbibigay at hindi napipilitan lamang. Bukal ba sa kalooban ang pagbibigay ng ikapu o sadyang napakabigat sa kalooban?
2 CORINTO 8:12-MBB
Sapagkat kung bukal sa kalooban ang pagbibigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong nakayanan; hindi niya hinihintay na magbigay kayo nang hindi ninyo kaya.
Aba e, kung mabigat nga naman talaga sa bulsa, pwede naman pala magbigay kahit sa maliit na halaga lalo na’t marami rin naman ang naghihirap ngayon? E kung hindi talaga kakayanin ang ikapu, dapat ba talagang obligahin ng mga pastor ang mga kawawang miembro na magbigay para lamang pagkakitaan ang mga ito? Ano po?
Ngunit ano po ang nakikita natin ngayon sa mga sektang ito ng Born Again:
“From its beginning in 1845, THE CONVENTION HAS EMPHASIZED GIVING. Still today, the SBC is among denominations that encourage believers TO GIVE AT LEAST 10 PERCENT of their income through their local church. Leaders of the two major faith-based financial service ministries -- Crown Financial Ministries and Dave Ramsey’s Financial Peace University -- do as well.”
“ We believe and teach the giving of ten percent of one’s income to be an integral part of the Christian’s walk with the Lord. Abraham paid tithe before the Law was given, and in the New Testament Christ affirmed the paying of tithes. God’s blessings of prosperity are promised to those who tithe. Tithing demonstrates God’s ownership in our lives.”
Hindi raw dapat bumaba sa 10% ayon sa mga Southern Baptist Churches. At dogmatic naman ito sa Victory Church. Papaano ngayon nila nasusunod si Cristo gayong winika ni San Pablo dapat hindi ito obligatoryo. Sa katotohanan nga, hindi ikapu ang sinisingil ni Pablo bagkus ay mga abuloy o ambagan na isinasagawa ng iglesia tuwing Linggo;
1 Corinto 16:1-2 ADB
Ngayon tungkol sa ambagan sa mga banal, ay gawin din naman ninyong gaya ng iniutos ko sa mga iglesia ng Galacia. Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa't isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko.
Bukod pa sa ikapu, marami rin sa ilang kulto at sekta ang naniningil din ng offering na hiwalay sa ikapu. Aba, tiba-tiba na ata ang mga pastor sa mga pera nito kaya hindi nakapagtataka na marami ang yumayaman kapag nagtatatag sila ng mga movements tulad nito. Isa na rito si Quiboloy na may private jet at si Eddie Villanueva na may mga kotse at mamahaling SUV. Hindi na ito kataka-taka dahil ang profile ni Eddie ay businessman:
Ngayon dumako na tayo sa kung ano ba ang totoong ikapu sa Biblia;
Ang tunay na ikapu sa Biblia ay iniutos sa Israel at hindi sa Cristiano, maliban na lamang kung Judio na tayo ngayon at marapat na magbigay ayon sa Kautusan sa Luma.
Malakias 4:4
Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod na aking iniutos sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel, sa makatuwid baga'y ang mga palatuntunan at mga kahatulan.
Dahil sa nagbagong-buhay na tayo kay Cristo, marapat na magbigay tayo sa paraang Cristiano at hindi sa paraang luma:
HEBREO 8:13
Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong kasunduan, pinawalang-bisa na niya ang una. At anumang pinapawalang-bisa at naluluma ay malapit nang mawala. (MAGANDANG BALITA)
At sa Bago, ang sinisingil ay “ABULOY” at hindi “IKAPU”. Ngayon sinusunod baga talaga ng mga born again at mga Protestante ang batas ng pag-iikapu ayon sa nakasaad sa Malakias na naaayon daw sa kautusan ni Moises?
Dapat nating malaman mga kapatid na ang “Pag-iikapu ay isinasagawa HINDI KADA BUWAN, KADA KINSENAS O KADA LINGGO TULAD NG ISINASAGAWA NG MGA KULTO. May tiyak na panahon para rito, o taon ng Pag-iikapu.
Deuteronomio 14:22-ADB
Iyo ngang pagsasangpuing bahagi ang lahat na bunga ng iyong binhi na nanggagaling TAON-TAON sa iyong bukid.
Taon-taon magtitipon ng ikapu dinadala ito sa Templo ng Dios sa Jerusalem. Dito ngayon mabibibwak ang kada buwan na ikapu ng mga born again, kada linggo na ikapu o kada kinsenas. Maliban dito, mayroon din na tinatawag na year of tithing na sinisingil kada tatlong taon;
Deuteronomio 14:28-ADB
Sa katapusan ng bawa't tatlong taon ay iyong kukunin ang buong ikasangpung bahagi ng iyong bunga ng taong yaon, at iyong ilalagay sa loob ng iyong mga pintuang-daan:
Nasusunod ba ng mga pastor ang mga ito?
Bukod pa sa kada-taon na ikapu at ang year of tithing na tinitipon sa kada tatlong taon, mayroon pang tinatawag na tithe of the tithe o ikapu ng ikapu na iniaalay bilang handog na itataas sa Panginoon, samakatwid baga’y mga susunuging handog o ang tinatawag na “korban” ng mga Judio. Ang kahulugan ng korban ay mga alay o handog na kadalasa’y sinusunog o itinataas sa Panginoon.
Bilang 18:26
Bukod dito'y sasalitain mo sa mga Levita, at sasabihin mo sa kanila, Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasangpung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila na inyong pinakamana, ay inyong ihahandog nga na pinakahandog na itinaas sa Panginoon, ang ikasangpung bahagi ng ikasangpung bahagi.
Samakatwid, magbabahagi ng ikapu ang mga tumanggap ng ikapu (Levita) sa Panginoon na ituturing bilang terumah o korban ayon sa mga rabbis ng Judio bilang handog na itataas sa Panginoon samakatwid maaaring ikonsiderang omah o burn offering.
May ilan din akong tinanong na born again na kung saan ang pinag-gagamitan ng ikapu nila ay pagbabayad ng kuryente, internet, gasoline ni pastor sa kanyang service at iba pa, Ngunit kaylanman ay hindi binanggit ito ng Biblia. Ang tunay na ikapu kaylanman ay hindi nasa monetaryo o nasa anyong-pera bagkus mga “goods” o ang mga naani at napisan sa sakahan, pastulan at triguhan. Ang tunay na ikapu ay nakapokus sa charity o kawanggawa ng Israel sa loob ng sambayanan nito maging sa dayuhan.
Deuteronomio 14:29
Bukod dito'y sasalitain mo sa mga Levita, at sasabihin mo sa kanila, Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasangpung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila na inyong pinakamana, ay inyong ihahandog nga na pinakahandog na itinaas sa Panginoon, ang ikasangpung bahagi ng ikasangpung bahagi.
Ito ay nakakain dahil nasa anyong- “good” o mga pagkaing-ani na naani o napisan mula sa lupain;
Bilang 18:31-32
At maaari nilang kainin iyon kahit saan, pati ng kanilang sambahayan sapagkat iyon ang kabayaran sa kanila sa paglilingkod nila sa Toldang Tipanan. 32 Hindi kayo magkakasala sa pagkain ng matitira kapag naibukod na ninyo ang pinakamaiinam. Ngunit kung hindi pa naibubukod at naihahandog kay Yahweh ang mga pinakamaiinam, at ito'y kinain ninyo, ituturing na nilalapastangan ninyo ang handog ng mga Israelita, at kayo'y dapat mamatay."
Palagi rin nating tandaan na ang mga Levitang pari lamang ang pinagkatiwalaan dito at hindi ang mga Pastor ng kahit anong sektang umaangkin na sila’y Kristyano. Ito ay marahil sa katotohanang ang BATAS SA PAG-IIKAPU o ang Kautusan na ito ay pinagkaloob lamang sa mga Israelita at hindi kaylanman sa mga Cristiano bilang susundin na batas.
Ngayon, paano kapag nilabag ito?
HEBREO 10:28
Ang mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. (MAGANDANG BALITA)
Katulad nga sa sinabi ng Bilang 18:32;
"Ngunit kung hindi pa naibubukod at naihahandog kay Yahweh ang mga pinakamaiinam, at ito'y kinain ninyo, ituturing na nilalapastangan ninyo ang handog ng mga Israelita, at kayo'y dapat mamatay."
Ngunit bilang mabuting Cristiano ay wala na tayo sa kautusang ito, samakatwid ang mga Kautusan ni Moises kaya naman hindi na natin kaylangan pa na magbigay ng ikapu dahil lalabas na dapat din pala nating sundin ang lahat ng tuntunin nito.
Roma 7:4& 6- MBB
“Gayon din naman, ang mga kapatid, NAMATAY NA KAYO SA KAUTUSAN nang kayo’y maging bahagi ng katawan ni Cristo…Kaya’t naglilingkod tayo sa Dios hindi dahil sa lumang tuntuning”
COLOSAS 2:16
“Kaya’t huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin . . .”
GAWA 13:39
At sa pamamagitan niya ang bawa't nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito'y hindi kayo aariing ganap sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. (ANG DATING BIBLIA)
Tayong mga Cristiano ay inatasan magbigay ng bukas sa kalooban. Walang dapat magpilit sa atin, wala rin dapat ang maglimita sa ano ang minimum na ating ibibigay.